PUWING SA PUWANG

Ni Pat Villafuerte

“The real voyage of discovery consists not

in seeing new landscapes, but in having new eyes.”

-Maricel Proust

1. Sa paglubid ng pilik-mata

MAKALAWANG ULIT NA KINUSOT ni Junilmari Sarim ang kanang mata. Hindi siya napuwing. At lalong walang gabinlid mang luhang namuo sa kanang matang hinapo ng maraming oras ng panghihinayang. Nakagawian lamang niyang kusutin ang kanang mata kung may bumabagabag sa kanyang dibdib o may naaaninag siyang isang alalahaning nagpapatuliro sa kanyang diwa. Kalimitang nakakadalawang kusot siya sa kanang mata kapag hindi niya nadesisyunan ang kagyat na suliraning nakapagpapahina sa kanyang katauhan bilang lalaki. Bilang lalaking Muslim. Bilang lalaking rebeldeng Muslim.

Magdamag na hindi siya pinatulog ng buhul-buhol na mga alalahaning pilit na naglalagos sa kanyang utak. Makalawang ulit na niyang kinusot ang kanang mata at sa pakiwari niya’y naglulubid na ang makakapal niyang mga piik-mata. Ngunit hindi makapagsisinungaling ang balita sa pahayagan:

The Philippine Government is not prepared to rescue and attend to the needs of undocumented Filipino nationals from Malaysia, wherein the bulk are in the state of Sabah . . .

Hindi niya matanggap na sa matagal na panahong inilagi niya sa Sabah ay parang kuting siyang itatapon. Upang pabalikin sa Pilipinas kasama ang kanyang asawa’t dalawang anak. Sa bayang para sa kanya’y lugmok na sa pagdaralita dahil nilupig at patuloy na nilulupig ng mga naghaharing uri.

Bagsak na ang ekonomiya sa Pilipinas . . . Tumatanggi ang mga dayuhang bansa na mamuhunan . . . Dumarami ang mga tiwaling opisyal ng bansa . . . Tumataas ang bilang ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao . . . Lumalaganap ang epidemyang walang katiyakan ang lunas . . . Nagrarali ang mga mga militanteng grupo dahil sa patuloy na pagtataas ng presyo ng gasolina at krudo . . . Naghahasik ng lagim ang mga terorista sa mga publikong sasakyan at malls . . .
Bahagi ang mga iyon ng mga balitang nababasa niya sa The Maguindanao Daily Bulletin o sa The Journal of Southern Island na paminsan-minsang nakararating sa Sabah. Kaya’t lalong tumibay ang kanyang mithiing huwag nang yumapak pa sa lupang tinubuan.

“Wala na akong babalikan sa Pilipinas . . . Dahil wala na rin akong dapat balikan,” minsa’y nasabi niya sa kanyang asawa. “Ang huling balita ko’y wala na ang dati naming bahay. Iba na rin ang nagmamay-ari ng lupang taniman ng mga niyog. Baka pagbabalik natin ay mga dayuhan na rin ang nagmamay-ari ng dagat. Huwag naman sana. Ayokong makiamot na lamang ng mga isdang pagmamay-ari na ng mga Intsik at Hapon.”

“Nguni’t . . .” pigil ang susunod na sasabihin ng kanyang asawa.

Isang pagpapatiwakal para sa kanya ang bumalik sa Pilipinas. Isang walang proseso ng kahandaan. Isang walang kapararakang paghahanap ng kinagisnang lahi. Isang walang kulay na paglingon sa nasusong tradisyon. Isang walang katapusang pagpapagaling ng hilom sa pusong may malalim na sugat . . .

Pagtakwil ng kanyang ama . . . Pagkamatay ng kanyang ina sa labis na pagdadalamhati . . . Pagpaslang sa kanyang ama ng mga mapangamkam ng lupang sakahan . . . Paghalay ng tatlong militar sa kaisa-isahang dalagitang kapatid . . . Pagtatatag ng kapisanang kumukundena sa Batas Militar . . . Pagpapalathala ng mga tula at artikulong laban sa Proklamasyon 1081 . . . Pagtakas sa militar . . . Paghanap ng bagong kapalaran sa kalapit-bansa . . .

At ang lahat ay isa na lamang alaala. Isang bangungot na sinangkutsa ng kalupitan. Ng karahasan. Ng kawalang-pag-asa.

Tanging sa panulat nakikipag-ulayaw si Junilmari Sarim. Matapos kusutin ang kanang mata nang makalawang ulit ay isinasatitik niya ang bunga ng kanyang himutok:

wala.
walang tinig ang paglaya
sa panahong dinidiyos ang hukbo’t punlo,
ngunit may tuldok
ang lupig-kahirapan
ang lugmok-kasawian
na ginuhitan ng kidlat-karahasan.

ay,
kayhirap hanapin
ang mga bituin sa panahon ng ligalig,
kayhirap gamutin
ang puwing sa puwang ng bawat talukap.

SA SABAH NATAGPUAN ni Junilmari Sarim ang paraisong kanyang pinapangarap. Ang katahimikan at kasaganaan. Ang kaligayahan at kalayaan. Labinlimang taon pagkaraang mabigo ang Pilipinas na maangkin ang Sabah ay isa siya sa sampung mangingisdang pumalaot sa kahabaan ng dagat na maghahatid sa kanila sa silangang bahagi ng Malaysia, ang Sabah. Sa lugar na kung tawagin ng mga pirata’y lupa sa ilalim ng hangin.

Sa Sabah rin nagkakalyo ang mga palad ni Junilmari Sarim. Naging kargador sa port ng Victoria. Nagtrabaho sa koprahan sa Kudat. Naghalo ng semento sa ginawang imprastruktura sa Kota Kinabalu. At nang malauna’y bumalik sa kinagisnang hanap-buhay, ang pangingisda, hanggang sa makapag-asawa ng isang Pilipina na tulad niya’y naghahanap din ng kapalaran sa Sandakan. Nagtayo silang mag-asawa ng pondohan ng isda at napaunlad. Ngunit sa gabi, habang maliwanag ang bilog na buwan ay itineraryo na ng kanyang pamamahinga ang paghabi ng mga salita. Ang paglulubid-lubid ng mga retorikang bubuo sa isang tula. Si Junilmari Sarim ay isang makata. Isang rebeldeng makata. Isang rebeldeng makatang Muslim ng kanyang panahon. Aniya sa kanyang tulang “Rebeldesasyon”:

Bawa’t makata’y rebelde sa kanyang panahon:
Erehe ang kanyang diwa
Filibustero ang kanyang puso.
Ang binirheng mga salita
Ay ginagahasa ng mga kritiko’t editor.

Bawa’t rebelde’y makata sa hindi niya panahon:
Matalas ang kanyang haraya
Matalim ang kanyang pasyon.
Ang nineneng retorika
Ay hinahalay ng kamao’t punlo.

Malimit sumaglit si Junilmari Sarim sa Sabah Chronicle upang magpalathala ng mga tula o artikulong bunga ng kanyang pakikipag-ulayaw sa buwan. Sa harap ng kanyang luma, maingay at kinakalawang na makinilya (na tangi niyang dinala nang siya’y tumakas paalis ng Pilipinas), walang tigil ang kanyang pambabatikos sa aniya’y diskriminasyon sa mga Pilipino ng bansang itinuring niyang pangalawang tahanan. Siya ang sumbungan ng mga inaaping manggagawa sa Sabah. Maging kristiyano o Muslim. Ang mga pang-aaping ito ang nagiging paksa ng kanyang mga tula’t sanaysay. Ngunit mapalad nang mailathala ang dalawa sa dalawampung tula at sanaysay na isinusumite niya sa palimbagan. Mahigpit ang Sabah Chronicle sa pagtanggap ng mga artikulong pumupuna sa Malaysia, maging ang mga ito’y karaniwang artikulo lamang. At lalo itong mahigpit sa mga kontribyutor na Pilipino. Na naging daan upang maging marahas sa panulat si Junilmari Sarim. Binatikos niya ang pahayagan sa pagsikil sa kanyang karapatan bilang manunulat. Sa harap ng tanggapan ng Sabah Chronicle. Sa harap ng korespondensya ng Bernama National News Agency. At sa harap ng maraming tao, gumawa ng ingay ang Pilipinong nakikitira sa tinutuligsang bansa. Naging laman ng mga pahayagan sa Sabah at sa buong Malaysia si Junilmari Sarim: Battle of Filipino rebel begins . . . Filipino writer-activist in hot water . . . Filipino Muslims stand with Pinoy Activist in waiting for day of freedom . . . Siya ang nasa pamukhang pahina ng Sabah Chronicle habang iwinawasiwas ang mga polyetong kanyang ipinalimbag sa palimbagan ng isang kababayan. Hawak sa kaliwang kamay ang polyeto, at sa kanang kamay ay tangan niya ang isang megaphone habang nanggagalaiting isinisigaw ang kanyang mga petisyon:

“Tatlong bagay lamang ang aking hinihiling sa pamahalaan ng Malaysia. Una, ipagkaloob sa mga Pilipino ang kalayaan sa pagpapahayag,” panimulang pahayag ni Junilmari Sarim habang nakatutok ang kanyang mukha sa kamera. “Pangalawa, pahintulutan ang mga Pilipino na makapaglathala ng mga artikulo sa mga pahayagan ng Malaysia, partikular sa lokal na pahayagan sa Sabah. Pangatlo, sundin ang pandaigdigang batas ukol sa karapatang pantao. Mahirap bang ipatupad ‘yon? Nilisan ko ang Pilipinas sa pag-aakalang mapapasaakin ang ganap na kalayaan. Ngunit bakit ipinagakakait iyon sa akin ng pamahalaan? Dahil ba hanggang sa kasalukuyan ay taglay ko ang aking citizenship bilang Filipino?”

Nabulabog ang buong komunidad ng Sabah. Hindi magkandatuto sa pagpapaliwanag ang embahada ng Pilipinas sa mga lokal at dayuhang mamamahayag. Nakikipag-ugnayan ang mga lokal na opisyal ng Sabah sa mga publisista ng iba’t ibang pahayagan. Makaraan ang ilang oras, ipinatawag ng publisista ng Sabah Chronicle si Junilmari Sarim. Umabot ng tatlong oras ang negosasyon sa tulong ng interpreter. At bago magdapit-hapon, ipinagkaloob sa aktibistang Muslim ang kanyang mga kahilingan. Bukod dito, binigyan siya ng pitak sa malaganap na pahayagang Sabah Chronicle na ikinasiya ng lahat ng mga Pilipinong sumusubaybay sa buhay at panulat ng rebeldeng makatang Muslim. Ang bagong bayani ng mga Pilipino sa Sabah ay lumikha ng dagdag-kasaysayan sa Malaysia. At si Junilmari Sarim ay isang kasaysayan.

Isang magmamadaling-araw, habang namamaalam na ang buwan, lulan ng kanyang bangkang de-motor na may dalawampung metrong haba ay nakasisilaw na liwanag ang gumambala sa kanyang paggaod. Pinababa siya ng tatlong lalaking may hawak na baril matapos magpakilalang Coast Guard ng Malaysian Wharf. Nang siya’y makalapit, habang kusut-kusot ang kanyang kanang mata, isang malakas na hampas ng baril ang lumapat sa kanyang mukha.

“Putang-ina . . . Bakit? Bakit?” Huling pahayag na nabigkas ng repormistang Pinoy pagkaraan ng isa pang malakas na hampas ng baril na tumama naman sa kanyang ulo.

SA ILANG ORAS NA PAGKAKALUGMOK, habang ang talukap ng mga mata ni Junilmari Sarim ay pansamantalang nakapinid, ay saglit na lumisan ang kasalukuyan upang mabigyang-daan ang pagdating ng nakaraan. Tila tuksong nagbabalik ang alamat ng makatang rebeldeng Muslim. Maraming taon na ang nakakaraan . . .

Nasaksihan ni Junilmari Sarim ang tuwirang pagyakap ng kanyang ama’t ina sa Islam Prophet Muhammed, ang relihiyong inalayan nila ng buhay at pagpapakasakit. Naitanim sa kanyang isip ang idealismong pinapanday ng aniya’y “maluwalhating” Qu’ran. Habang lumalaki’y patuloy na pinabubuklat sa kanya ng kanyang ama ang mga pahina ng sagradong aklat. Sa simula’y hindi niya lubusang maisip kung bakit kailangang ikulong siya at ng kanyang kapatid sa silid-dalanginan upang basahin, sauluhin at bigkasin ang mga pahayag na nakatala roon. Ayaw niyang matulad sa kanyang ama na isang Imam. Saulado ng kanyang ama at binibigkas nito nang bung-buo ang Qu’ran. May gusto siyang patunayan na hihigit sa talino ng kanyang ama. Sa kanyang murang gulang, mas idinidikta ng kanyang utak ang magsulat, mas itinitibok ng kanyang puso na makasalamuha ang mga tao at mas nanaisin ng kanyang bibig na magtanong at magsalita laban sa kahirapan at kaapihan. Mangyari, nakaimbak sa kanyang utak na mas marami pa siyang dapat matuklasan sa buhay na wala sa mga salitang nakalimbag sa Qu’ran tulad ng diskriminasyon at hidwaan ng mga kristiyano’t Muslim, o ang pagkalupig sa kahirapan ng kanyang mga kalahi gayong sa simula’t simula pa’y kilala ang Mindanao bilang Lupang Pangako. Napanday sa kanyang buong pagkatao na Islam ang naghahatid sa kanilang isla ng naiibang sistema ng relihiyon, kultura, lipunan, wika at tradisyon na namana pa ng kanyang mga ninuno sa nandayuhang Malay at Indones, ngunit walang makapagpaliwanag sa kanya kung bakit lupig pa rin sa kahirapan at karahasan ang Mindanao, at kung kailan magwawakas ang digmaang pinanday ng matinding poot at di-makatarungang pagpatay.

Itinakwil siya ng kanyang ama bunga ng maraming pag-ayaw at pagtutol sa kinagisnang paniniwala. Natuto siyang maglayas at makitira sa isang kaibigang taga-Lanao del Sur. Labis na dinamdam ng ina ang kanyang pag-alis kaya’t nakaragdag ito sa dati nang sakit na ang naging bunga’y ang maagang pagkamatay nito, mag-iisang taon pa lamang siyang nakaaalis. Magtatapos naman siya sa hayskul nang mabalitaan niya ang pagkawala ng ama. Magdadalawang linggo na raw itong hindi umuuwi. Saka lamang siya bumalik sa Pikit upang tumulong sa paghahanap. Isang umaga’y natagpuan ang bangkay ng kanyang ama sa malawak na sagingan sa paanan ng bundok. Doon itinapon ang bangkay. Tadtad ng saksak ang katawan. May mahaba at malalim na hiwa ang liig. Nakalungayngay ang duguang ulo nito sa batuhan habang pinagpipistahan ng mga langaw at dagang-bukid. May nagsasabing alitan sa niyugan ang sanhi ng pagpaslang. May nagpapalagay namang mga sundalo dahil sa isyu ng pagmamay-ari ng lupa. Kinabukasan, ipinagbigay-alam niya ang pangyayari sa pinakamalapit na himpilan ng mga sundalo. Gaya ng kanyang inaasahan, ang kaso ng kanyang ama ay kasamang nalibing sa hukay.

Siya, at ang nakababatang kapatid na si Saraiya ay kinupkop ng amain. Sa tulong ng iskolarsyip na ipinagkaloob ng pulitiko ay nakatuntong si Junilmari Sarim sa pamantasan. Likas na matalino, naisisingit niya ang pagiging lider-estudyante at punong editor ng Madrasah News, ang kanilang pahayagang pampaaralan. Matapang at marahas ang kanyang panulat. Sinimulan niyang punahin at batikusin ang administrasyon ni Marcos.. At magtatag-ulan noon, bago ideklara ng commander-in-chief ang Batas Militar, sinimulan niyang pamunuan ang mga rali’t demonstrasyon sa campus para pabagsakin ang administrasyon ni Marcos na aniya’y pinamumunuan ng isang diktador, puppet ng bansang America at hayok sa kapangyarihan. Iba’t ibang grupong maka-kaliwa ang kanyang nakilala. Sa tulong pinansyal na ibinibigay ng ilang pulitiko’t negosyanteng anti-Marcos ay pinamunuan niya ang mga kilos-protesta sa Mindanao. Nang ideklara ang Proklamasyon 1081 at maisama ang kanyang pangalan sa talaan ng mga subersibong lider-estudyante na pinaghahanap ng militar ay nagpalipat-lipat siya nang matutuluyan, kasama ang isang dalagitang kapatid. Si Junilmari Sarim, isang Pilipinong lider-estudyanteng Muslim ay ganap nang kaaway ng pamahalaan.

Ang kanyang kaalaman sa pangingisda ang bumuhay sa kanilang magkakapatid sa isang tagong lugar sa Sulu. Noo’y ipinasara ng pamahalaan ang lahat ng mga publikasyon kaya’t ang mga haraya at hinaing ni Junilmari Sarim na malaya niyang naisatitik ay tinitipon niya sa isang kahon. Dahil sa gabi, habang nakabantay ang bilog at maliwanag na buwan, at sa tulong ng aandap-andap na ilawan, pinalalaya niya ang diwang ibig kumawala. Isinisiwalat niya ang silakbo ng pusong nagpipilit umalma. Bawa’t gabi’y isang awit-panambitan. Bawa’t gabi’y may himno ng pakikilaban:

nagpaulit-ulit, nagpabalik-balik
maramihang daing-ungol-galit-sigaw;
nangumpisal-hangin ang mga pag-iwas
pagpigil, pag-ayaw, pagsira’t pagsuway
sa mga dikretong likha ng kung sinong
Panakot na Uwak ng Perlas ng Silangan.

pag-aklas dito . . . . . . . . .  . . pag-aklas doon
paglusob dito . . . . . . . .  .  . . paglusob doon
pagsabog dito . . . . . . . . . . . pagsabog doon
pagligpit dito . . . . . . . . . . . . pagligpit doon
pagpatay dito . . . . .  . . . . . . pagpatay doon

1                                                                                                     3

sama-samang pagsigaw                                                        bawat awit at tula
sa langit nakatunghay                                                           may tatak ng pagpuksa
sama-samang pagkilos                                                          bawa’t ningas ay tula
sa lupa nakalaan.                                                                     sa pugad ng pagluksa.

2

dugo ang idinilig
sa telang inuusig
silakbo yaong himig
ng pusong humihibik.

Ngunit isang gabing pumalaot si Junilmari Sarim sa dagat ay pinasok ng tatlong militar ang kanilang bahay. Hinalughog nila ang kanyang mga gamit. Kinumpiska ang ilang pirasong polyeto ng pakikibaka. Sinunog ang mga tulang naging saksi ng kanyang paglalakbay-diwa. Hindi pa nasiyahan, nang nainip sa kahihintay sa kanya ang tatlong armadong panauhin ay napagbalingan ng mga ito ang kanyang nakababatang kapatid na noo’y nasa sandali ng pagkatakot. Halinhinang inilugso ng mga ito ang puri ng dalagita.

“Tatlong sundalo . . . Mga hayop sila . . . Binaboy ako . . . Binaboy . . . Kuya, pa’no na ‘ko?”

Makalawang ulit na kinusot ni Junilmari Sarim ang kanang mata. Niyakap ang kapatid. Nanangis. Matinding galit ang pinawala sa dibdib habang isinisigaw ang poot ng paghihiganti.

“Putang ina nilang lahat! . . . Putang ina nilang lahat! . . . Putang ina nilang lahat! . . . “

Hindi siya gaanong pinatulog ng gabing iyon. Hindi niya malaman kung paano aaluin ang kapatid na walang tigil sa pag-iyak. Sa tuwing siya’y magigising ay naririnig niya ang pigil na paghikbi ng kapatid. Tila siya kandilang nauupos kapag naririnig ang hagulgol nito.

Nakailang putak na ang mga alagang manok nang siya’y magising. Wala na rin siyang hikbi at hagulgol na naririnig. Kusut-kusot ang kanang mata, una niyang sijnipat ang higaan ng kapatid. Wala na ito sa papag na kinahihigan. Sa labas, habang papasilip ang araw sa likod ng bundok ay nararamdaman niya ang kakaibang lamig na dampi ng hangin. Sa gawing silangan, sa pagitan ng mga punong bayabas, kaimito at santol ay nakatindig ang isang punong manggang may mangilan-ngilang manibalang na bunga. Sa punong iyon, na
dating pinagpapahingahan ng mga ibong umaawit ay nakabitin ang isang katawan ng babaing wala nang buhay.

Ibig niyang maghiganti. Ibig niyang pumatay. Ngunit madalas sumagi sa kanyang isipan ang mga aral na natutuhan niya sa Qu’ran. Saka niya naalala ang ama, ang mga paalala nitong nakapagpapahilom ng sugat at nakapagpapagaling ng kaluluwa. Naisip niya, huli na para muling buklatin ang mga pahina ng Qu’ran. Huli na para basahin, saulunin at bigkasin ang mga salita’t pahayag na naroon. Katulad ng paulit-ulit na ginagawa ng kanyang ama. Huli na . . . Huli na . . .

SUMANDALING NAGLAHO ang mga alaalang iyon nang unti-unting nagkakamalay si Junilmari Sarim. Marahan niyang idinilat ang kanyang mga mata. Maraming lalaki ang nasa kanyang paligid. Kilala niya ang lalaking nasa kanyang harapan.

“Huwag kang mag-alala. Ligtas ka rito sa bahay ko. Nagamot ba ng doktor ang sugat mo? Masuwerte ka at tauhan ko ang nakakita sa iyo. Siya ang nagbalita sa akin ng sinapit mo. Nakilala ka niya dahil madalas kang nagpapa-imprenta ng mga polyeto sa palimbagan ko,” sabi ng kaibigan niyang may palimbagan. “Ano ba’ng nangyari?

“May pumalo sa akin. Pilipino. Iyon ang huli kong natatandaan,” sagot niya.

“Baka sugo ng gobyerno. Napuno na siguro sa pambabatikos mo,” paniniyak ng kausap. “Matatandaan mo ang mukha kapag nakita mo?”

“Oo, hindi ko malilimutan ang mabalasik niyang mukha. Ang malaking nunal sa ilalim ng kanyang kanang mata at sa hingahan ng nangangarilong niyang ilong,” paglalarawan niya.

“Si Hunyango. Iyon ang bansag namin sa kanya. Taga-Embassy. Sipsip ‘yon sa itaas. Siya ang nagsusumbong sa embahada kapag may gusot ang mga Pinoy dito sa Sabah. Pader ang nakabangga mo, Pare. Gusto mo, payari ko sa mga tauhan ko? Madali ‘yon. Magsabi ka lang.”

“Huwag na, Pare. Salamat,” sabi niya. “Dami ko nang utang sa iyo. Iyong pagpapalimbag ko ng mga polyeto at itong pagkakaligtas mo sa akin. Pare, di sapat ang kolum ko para pasalamatan ka. Maraming salamat.”

“Okey lang ‘yon. Malay mo, kapag ako naman ang nangailangan ng tulong, ikaw naman ang sasadyain ko. Mapahihindian mo ba ‘ko? Syempre hindi. Ganun lang ang buhay, Pare. Tulungan,” sabi ng kanyang kausap.

“Asahan mo, Pare. Hindi ka mabibigo,” paniniyak niya.

MATINDING TAKOT AT PANGAMBA ang sumasanib sa katawan ng mga kababayan ni Junilmari Sarim dahil sa sunud-sunod na pagsabog na nagaganap sa Davao City, General Santos City at Pagadian City. Ito’y ayon sa mga balitang nababasa nila sa isa-isang sipi ng The Maguindanao Daily Bulletin at sa Journal of Southern Island na galing sa Mindanao. Napabalita pang malaganap ang terorismo hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa Metro Manila. Naisip nilang wala nang kasiguruhan ang buhay ng tao. Maging sa mga paaralan, sa publikong sasakyan, sa pamilihan, sa mga mall, sa ospital at maging sa simbahan ay may nagaganap na pagsabog. Bunga nito, iniiwasan sa Sabah ang mga Pilipinong Muslim kapag nasasalubong ng mga dayuhan. Lahat sila’y pinaghihinalaang mga terorista. Nagsimulang magningas ang mitsa ng diskriminasyon. Hanggang isang umaga, ginulantang ang mga Pilipino sa dikretong ipinalabas ng pamahalaan ng Malaysia: Pinababalik sa Pilipinas ang mga ilegal na Pilipinong naninirahan sa Sabah.

“Isang pagpapatiwakal ang bumalik sa Pilipinas, ngunit kung hihilingin ng sinuman na maging mamamayan ako ng Malaysia para mailigtas na pabalikin sa Pilipinas, nanaisin ko pang ipatapon na lang ako, at ang aking pamilya sa lupang aking sinilangan kahit labag sa aking dibdib,” ito ang buod sa kolum na ipinalabas niya kahapon.

Higit kaninuman, si Junilmari Sarim ang lalong nagugulumihanan. Sa pakiwari niya, ang dikreto ay tanggisang paglabag sa kanyang karapatan. Hindi bilang makata o rebeldeng mamamayang Pilipino. Kundi bilang tao. Taong para sa kanya ay dapat mamuhay nang marangal, may dignidad, ligtas at higit sa lahat, malaya. Taong pinag-uukulan ng respeto, pag-unawa at pagmamahal. Ngunit ang batas ay batas. Labag man sa kanyang simulain at paninindigan. Dalawang konsepto ang natutuhan niya: Una, Ang Malaysia ay hindi Pilipinas, at pangalawa, Ang Sabah ay hindi para sa Pilipinas.

2. Sa paghawan ng talukap

AT NGAYON NGA, sa harap ng luma’t di-kalakihang barko na maglululan kay Junilmari Sarim, sa kanyang pamilya’t mga kababayan pabalik ng Pilipinas ay waring naninibago siya sa tanawing kanyang nasasaksihan: Mainit at walang kaayusan ang paligid. Nagkalat ang malalaking kahon, mahahabang sako at makakapal na malong na punung-puno ng samut-saring mga gamit. Nagsasalimbayan ang mga taong paroo’t parito sa barko. Urung-sulong ang mga babae. Pababalik-balik na waring walang direksyong patutunguhan ang mga bata’t matatanda. Ang ibang handa na sa pag-alis ay sama-sama’t magkakasunod na nakapila habang hawak ang malaking lubid na gumagabay sa kanilang pag-akyat sa barko. Tulakan dito . . . Tulakan doon . . . Sigawan dito . . . Sigawan doon . . . Ang mga sigawang iyon ay
nakikipagsabayan sa ingay ng hinihilang mga kable’t tanikalang bakal. Nagsasalitan ang iyakan ng mga bata’t sanggol. Iyakang sumasabay sa ugong ng pinaiinit na makina ng barko. Ngilung-ngilo at parang sasabog ang ulo ni Junilmari Sarim.

Samut-sari ang kanyang mga naririnig. May taga-embahada raw na nagsasabing hindi siya kasama sa talaan ng mga Pilipinong ipatatapon sa Pilipinas dahil sa haba ng panahong inilagi niya sa Sabah kapalit ang pagpigil niya ng pambabatikos sa pamahalaan ng Malaysia. May mga nagsasabing hindi na niya kailangan pang lakaring maging mamamayan ng Malaysia kung gugustuhin niya, dahil anumang araw at oras ay mismong ang pamahalaan ng Malaysia ang mag-aayos nito. Ngunit buo na ang kanyang pasya. Gusto na niyang makabalik sa Pilipinas. Gusto niyang magsimulang muli, kasama ang kanyang asawa’t dalawang anak, kasama ng kanyang mga kababayan na matagal niyang nakasama sa Sabah. Limampu’t apat na taong gulang na siya. At naisip niya, ito ang magandang edad para muli siyang makatindig mula sa mahabang panahon ng pagkakadapa. Kapiling ang pamilya’t mga taong nakasama niya ng maraming taon sa komunidad na salalayan ng kanyang mga pangarap. Isang komunidad na kung tawagin niya’y “bagong daigdig”. Ilang buntung-hininga pa’y lilisanin na niya ang daigdig na iyon. At kinusot niya ang kanang mata nang makalawang ulit.

Bago tuluyang umakyat ng barko ay hinilang muli ni Junilmari Sarim ang zipper ng napakalaking bag. Nais niyang makatiyak na naroon ang kahong ipinadala sa kanya ng Pilipinong nagmamay-ari ng imprentang nagpalimbag ng kanyang mga polyeto at sumagip sa kanyang buhay. Kagabi ay binisita siya nito. Pinakiusapan siyang dalhin ang isang malaking kahong may tali. Nasilip niyang ang kahon ay nababalutan ng mga dyaryo’t sa isang maliit na sobre ay nakapangalan ang isang Abdullah Melan Faizal na may bilang ng telepono.. Hindi man kilala ang taong nagmamay-ari ng pangalan ay mabilis niyang tinugunan ang pakiusap ng lalaking minsa’y nagligtas sa kanyang buhay.

Sinusundan ni Junilmari Sarim sa pag-akyat sa barko ang asawa’t dalawang anak. Bawat isa sa kanila’y may pasan at bitbit na mga bagahe. Pasan ang napalalaking bag at bitbit ang isang malapad na kahon na napupuluputan ng unti-unting lumuluwag na manipis na straw, hustong aangatin niya ang kanang paa patungo sa loob ng barko nang pigilin ng bantay sa pintuan ang kanyang daraanan.

“Clearance mo?” tanong ng lalaki. “Hindi ba’t ikaw ang aktibistang si Junilmari Sarim?”

“Ako nga. Nasa manipesto ang pangalan ko. Heto na’ng numero ko, bakit kailangan mo pang hingan ako ng clearance?” sagot niya.

“Ang rebeldeng katulad mo’y kailangang may clearance,” sabi ng lalaki.

“Bakit ngayon n’yo lang sinabi? Saka walang iniutos ang embahada sa akin na kailangan kong kumuha ng clearance,” sagot niya.

“Kaya nga ako ang nag-uutos sa iyo, eh. Bumaba ka, kumuha ka ng clearance,” giit ng lalaki.

“Huli na para kumuha ako ng clearance. Nasa loob na ng barko ang pamilya ko. Paraanin mo ‘ko,” sabi niya.

“Matigas ka, ha? Bumaba ka sabi,” utos ng lalaki sabay tulak sa kanya.

Nawalan ng panimbang, nabitiwan niya ang bitbit na malapad na kahon. Matapos magpawala ng hanging galing sa dibdib ay muli niya itong binitbit. Nagpilit siyang pumasok. Matitigas na kamay ang pumigil sa kanya. Muli siyang itinulak ng lalaki. Higit na malakas.

“Nakikiusap ako. Nasa loob na ang asawa’t dalawang anak ko kaya’t papasukin mo ako,” sabi niya. “Kung gusto mo, palabasin mo sila. Hindi na kami sasakay sa barko.”

“Inuutusan mo ba ‘ko? Baka hindi mo nakikilala ang kaharap mo?” sabi ng lalaki.

“Kilala kita. Kilalang-kilala,” tugon niya.

“Gan’on naman pala, eh. Kung talagang kilala mo ‘ko, susundin mo ang ipinag-uutos ko. Wala akong pakialam kung aktibista ka o kolumnista. Ang alam ko, ipinatatapon ka sa Pilipinas kaya’t hinahanapan kita ng clearance.”

Ibinaba niya ang malapad na kahon. Nakatipon ang galit sa kanyang mukha. Talagang ipakikita niya ang pilat sa kanyang mukha na likha ng kausap ngunit umiwas ang lalaki at hinarap ang mga nangakapila.

“Hoy, kayong mga nakapila. Siguruhin ninyong may dala kayong numero ha? Ang hindi pa natsetsek ang pangalan sa manipesto ay hindi pwedeng umakyat ng barko,” sabi ng lalaki sa malakas na tinig.

Hustong bibitbitin niya ang malapad na kahon nang hilahin ng lalaki ang halos makalag nang manipis na straw kasabay ang malakas na sipa sa kanyang sikmura. Nawalan siya ng panimbang. Bumagsak siya kasama ng napakalaking bag. Napahiga siya. Hinagis ng lalaki ang malapad na kahon. Bumaligtad ito. Nabuksan ang kalahating takip ng malapad na kahon. Sumambulat ang ilang
gamit sa kusina – tatlong pinggang losa, ilang tinidor at kutsara, dalawang
kutsilyo, gunting at ilang de-lata.

Bumaba ang lalaki. Kasunod ang mag-iina ni Junilmari Sarim. Hinatak nito ang napakalaking bag. Hinila ang zipper. Inilabas ang ilang pirasong damit at pantalon. Nailabas din ang kahong nababalutan ng mga dyaryo. Binasa ng lalaki ang pangalang nakalimbag sa maliit na sobre pati na ang bilang ng telepono nito.

“Abdullah Melan Faizal. Ano’ng laman ng kahon?” tanong ng lalaki.

Painot siyang tumayo. Kinusot nang makalawang ulit ang kanang mata.

“Hindi ko siya kilala. Pinadala lang ‘yan ni . . . ng isang kakilala. Me ari siya ng imprenta,” tugon niya.

Isa-isang inalis ng lalaki ang dyaryo. At nang mabuksan ang kahon, halos hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita: semi-authomatic 9mm handgun, M16 rifle, 18 canister ng Improvised Explosive Device at ilang kilong kemikal na gamit sa paggawa ng pampasabog.

“Sulfur chloride . . . potassium chloride . . . ammonium nitrate
Putang ina . . . Terorista ka? Terorista ka?”

Sunud-sunod na suntok ang kanyang tinanggap. Sa panga. Sa ilong Sa dibdib. Sa sikmura. Napahandusay siya.

Nilapitan siya ng kanyang asawa’t dalawang anak. Pilit na itinatayo, ngunit nanatiling matatag ang rebeldeng Muslim. May natitipon pa siyang lakas.

“Hindi terorista ang asawa ko. Hindi siya masamang tao. Bakit mo kami ginaganito? Ano’ng kasalanan namin sa ‘yo?” Sunud-sunod na tanong ng asawa.

Sinugod ng kanyang dalawang anak ang lalaki. Ngunit bago pa man sila makalapit ay sumablay sa kanilang pisngi ang mabigat na kamao nito.

Nagulo ang paligid. Nangagtakbuhan sa iba’t ibang direksyon ang mga tao. Mga Pilipinong Muslim ang karamihang nakapaligid. Naalarma ang dalawang security guard ng lalaki. Itinutok ang baril kay Junilmari Sarim. Ngunit . . .

“Walang makikialam. Laban ko ‘to. Mananagot sa ‘kin ang makikialam,”
utos ng lalaki. “Galit ako sa mga taong sumusuway sa aking ipinag-uutos. Kaya baba ang mga baril. Baba!”

Muling nilapitan ng lalaki si Junilmari Sarim na noo’y nahihirapan pang bumangon. Tinabig nito ang kanyang asawa. Isang malakas na sipa ang tumama sa mukha ng rebeldeng Muslim. Isa pa . . . At isa pa.
Nagpilit siyang gumulong papalayo sa lalaki para makadampot ng anumang bagay na sumambulat sa lupa, mula sa malapad na kahong bitbit niya kanina. Isang matulis na bagay ang kanyang nakapa. Nakatitiyak siya, ito ang tanging makapagliligtas sa kanya. Mariin ang kanyang pagkakahawak sa kutsilyo. Mariing-mariin.

Papalapit ang lalaking animo’y bagong mandirigma. Tumambad kay Junilmari Sarim ang mabalasik nitong mukha, ang malaking nunal sa ilalim ng kanang mata nito’t sa hingahan ng nangangarilong na ilong. Malinaw pa sa kanyang alaala ang mga palatandaang iyon. Malinaw na malinaw.

Wala siyang inaksayang oras. Bago pa man sumayad ang paa ng lalaki sa kanyang dibdib ay inundayan na niya ng saksak ang bagay na nasa pagitan
ng mga hita nito. Nagkandapilipit sa sakit ang lalaki. Nagpaikut-ikot ito habang
hawak ang bagay na napuruhan. Isang napakalakas na sipa ang pinawalan ng rebeldeng makata na nagpawala sa panimbang ng lalaki, habang dumadaloy ang dugo sa mga hita nito. At tuluyang napalugmok ang lalaki.

Itinaas ni Junilmari Sarim ang kutsilyo. Inundayan niya ng saksak ang lalaki. Sa sikmura. Sa tagiliran. Sa dibdib. Sa liig. At sa huling tarak, pilit niyang itinulos ang dulo ng kutsilyo sa kanang mata ng lalaki. Ibinaon niya nang buong diin . . . Hinugot . . . Binaon . . . Hugot . . . Baon . .

. Hugot . . . Baon . . .

Isang lalaking unipormado ang pumigil sa kamay ng animo’y bagong mandirigma. Habang pinoposasan, nilingon ni Junilmari Sarim ang papaalis na barko. Saka niya naalala ang pagbabalik sa Pilipinas.

Makalawang ulit na kinusot ni Junilmari Sarim ang kanyang kanang mata.
Ngayon, isang tulang may bagong paksa ang nais niyang sulatin.

One Response

  1. […] This post was mentioned on Twitter by pheng, pheng. pheng said: ipinamamahagi http://tinyurl.com/ybcopyg (puwing sa puwang) http://plurk.com/p/38jno4 […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: